Ayungin Shoal incident: PH, magsasampa ng protesta vs China -- Marcos
Muling maghahain ng protesta ang Pilipinas laban sa China kaugnay ng panibagong insidente ng pangha-harass sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng routine rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Marso 5.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panayam ng mga mamamahayag sa Melbourne, Australia nitong Miyerkules ilang oras bago umalis pabalik ng bansa.
Aniya, hindi ito maikokonsiderang gamitin ang Mutual Defense Treaty (MDT) nito sa United States.
“However, we continue to view with great alarm this continuing dangerous maneuvers and dangerous actions that are being done against our seamen, our Coast Guard. And this time, they damaged cargo ship and caused some injury to some of our seamen and I think that we cannot view this any way but in the most serious way,” pagdidiin ni Marcos.
“Once again, we will make our objections known and hope that we can continue to communicate to find the way so that such actions are no longer seen in the West Philippine Sea," aniya.
Matatandaang hinarang at nagsagawa ng mapanganib na pagmamaniobra ang barko ng CCG kaya nabangga nito ang barko ng PCG.
Sa isa pang insidente, apat na tauhan ng PCG ang nasugatan nang tumalsik ang mga nabasag na salamin ng barko matapos silang bombahin ng tubig ng China CG sa Ayungin Shoal.