Malaking dagok para sa college student na si Rosemarie Nera ang nangyaring trahedya sa dalawang miyembro ng kanilang pamilya.
Noong Sabado, Marso 2, natagpuang wala nang buhay ang 7-anyos niyang kapatid na si Mae France “Patang” M. Nera. Nakasilid ang bangkay ng bata sa isang sako at wala nang suot na pang-ibaba.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News noong Lunes, Marso 4, napag-alaman na ang mismong suspek, na kinilalang alyas “Peter,” pa umano ang nagsumbong sa awtoridad tungkol sa natagpuan daw niyang sako na may lamang bangkay sa isang tower ng cell site sa Atimonan, Quezon.
Dagdag pa ng ulat, nakumpirma umano sa CCTV na siya ang huling kasama ng biktima at nakitang hawak niya ang sakong ginamit sa krimen.
Gayunman, naaresto na ang suspek at sinampahan ng kasong rape with homicide ng piskalya.
Samantala, hindi rito natatapos ang pighati ni Rosemarie. Dahil kinabukasan, Linggo ng umaga, Marso 3, sunod namang pumanaw ang kaniyang tatay na si Dines de Luna Nera dahil sa sakit sa atay.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Rosemarie, ikinuwento niyang hindi alam ng kaniyang ama na ginahasa at namatay ang kaniyang nakababatang kapatid dahil baka raw lumala ang kalagayan nito sa ospital.
“Ang nangyari po, e, may sakit po si Papa. Ilang araw na rin siyang nasa hospital. Ang sakit po niya, sakit sa atay na nagsanhi ng pagkamatay niya,” kuwento ni Rosemarie.
”Hindi po alam ni Papa ang nangyari [kay Patang]. Hindi po ipinaalam baka po kasi mas lalo siyang lumala,” lahad pa niya.
Bukod pa rito, ikinuwento rin ni Rosemarie ang mga huling sandali bago tuluyang mamaalam sa mundo ang kaniyang tatay.
“No’ng March 3, 2024, mga 5:00 am, nagpunta na ako sa hospital. Si mama ay nawala na sa wisyo. Sobrang awang-awa na ako sa mama ko. Then pagkapasok ko sa hospital pinuntahan ko agad si papa then umiyak at humingi ng tawad,” saad niya.
Dagdag pa ng dalaga: “Marami pa po akong sinabi sa kaniya. Pero pagkasabi ko ng ‘Pahinga ka na, Pa.’ Ayun, nawalan na siya ng hininga. Sobrang sakit po pero mas mabuti na po ‘yon kasi nag-50-50 na po siya no’ng mga madaling-araw. Hinihintay lang po talaga ako ni Papa.”
Kasalukuyang nakaburol ang labi ng kaniyang tatay at bunsong kapatid sa Barangay Zone 4, Atimonan Quezon.
Sa mga nagnanais magpaabot ng pinansiyal na tulong para sa pamilya ni Rosemarie, ipadala lamang sa GCash number na ito: 09632539412. Maaari din siyang direktang kontakin sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account.