Harapang kinontra ni Senador Robin Padilla ang ruling ni Senador Risa Hontiveros na “i-contempt” si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC nitong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

National

Casiño sa pahayag ni PBBM hinggil sa impeachment vs VP Sara: ‘He only deepens culture of impunity!’

Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

“Ipagpaumanhin po ninyo, akin pong tinututulan ang naging pasya na ma-contempt si Pastor Quiboloy, with all due respect, ma’am,” ani Padilla kay Hontiveros.

Tinanggap naman ni Hontiveros ang naging pagtutol ni Padilla at sinabing mayroon naman umanong alituntunin kung saan ang mayorya ng lahat ng mga miyembro ng komite ay maaaring “i-reverse” o “i-modify” ang order of contempt sa loob ng pitong araw.

Pinasalamatan naman ni Padilla ang naging pagtanggap ni Hontiveros ng kaniyang pagtutol.

Matatandaang kamakailan lamang, matapos magpadala ang Senado ng subpoena laban kay Quiboloy ay ipinahayag ni Padilla na dapat umanong itigil na ang pagdinig ng kapulungan at dalhin na lamang daw sa korte ang mga alegasyon laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Padilla, iginiit na dalhin sa korte alegasyon vs Quiboloy: ‘May karapatan din siya’

Nahaharap ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Samantala, nito lamang Lunes, Marso 4, inanunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy ng mga kasong “child abuse” at “qualified trafficking” dahil sa umano’y krimeng ginawa nito noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang mga panahong iyon.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla