Hindi apektado si Senador Risa Hontiveros sa panawagan ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na magbitiw na siya sa pwesto, dahil mas matimbang umano para sa kaniya ang damdamin ng mga nabiktima ng pastor.

Habang isinasagawa ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, kung saan si Hontiveros ang tagapangulo, ang pagdinig hinggil sa mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC nitong Martes, Marso 5, nag-rally ang mga tagasuporta ni pastor sa labas ng Senado at isinigaw ang mga katagang tulad ng: “hustisya, ipaglaban” at “Risa resign.”

MAKI-BALITA: Supporters ni Quiboloy, pinagre-resign si Hontiveros

“Hindi ko babawiin sa kanila ‘yung kanilang damdamin. Pero mas matimbang pa rin ‘yung damdamin, kaisipan, karanasan at karapatan ng mga victim survivors na tinrato na hindi parang mga minamahal na miyembro ng isang kingdom o ng isang pastor, kundi dumanas ng katakot-takot na mga pang-aabuso, na malamang sasailalim sa iba't ibang mga batas natin,” reaksiyon naman ng senadora sa panayam ng mga mamamahayag.

Binanggit din ni Hontiveros na mas iniisip daw niya ang mga victim survivor ni Quiboloy na nakaranas umano ng pang-aabuso na sasailalim sa mga batas na may kaugnayan sa rape, trafficking, mga batas paggawa, at “mga polisiya tungkol sa karahasan sa loob ng isang religious community.”

“‘Yan ang pinakamatimbang sa lahat dito. Diyan pinaka-nakikiisa ‘yung damdamin ko,” giit ng senadora.

“Hindi ko babawiin sa iba ang damdamin nila. Pero ang heart and soul ng resolusyon na dinidinig namin ay alang-alang sa katotohanan at hustisya at eventually kapayapaan ng mga victim survivors,” saad pa niya.

Matatandaang sa naturang pagdinig ng Senado nitong Martes, inihayag ni Hontiveros ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Harapan namang kinontra ni Senador Robin Padilla ang ruling ni Hontiveros na “i-contempt” ang pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Samantala, matatandaang nito lamang Lunes, Marso 4, nang ianunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy ng mga kasong “child abuse” at “qualified trafficking” dahil sa umano’y krimeng ginawa nito noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang mga panahong iyon.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla