Nagulantang ang showbiz industry at ang publiko sa pumutok na balita kaugnay sa biglang pagpanaw ng batikang aktres na si Jaclyn Jose.
Nagsimulang lumabas ang ulat tungkol dito noong Linggo ng gabi, Marso 3, na kinumpirma naman ng kaniyang management na PPL Entertainment, Inc.
MAKI-BALITA: Jaclyn Jose, pumanaw na
MAKI-BALITA: PPL Entertainment, kinumpirma ang pagpanaw ni Jaclyn Jose
Kinabukasan, Marso 4, emosyunal na humarap sa publiko ang anak ni Jaclyn na si Andi Eigenmann para isiwalat ang dahilan ng pagyao ng kaniyang ina.
MAKI-BALITA: Andi Eigenmann, isiniwalat ang cause of death ng ina
Bukod pa rito, pinasalamatan ni Andi ang mga nagpaabot ng panalangin at pakikiramay sa kaniyang pamilya kasunod ang apela sa publiko na igalang ang kanilang pagluluksa.
Hindi rin niya kinalimutang bigyang-pagpupugay ang pumanaw niyang ina na inilaan ang halos buong buhay sa larangang pinili nito.
“Her undeniable legacy will forever live on through her work, through her children, and the many lives she touched as she herself, her life herself, was her greatest obra maestra. Thank you,” pahayag ni Andi.
MAKI-BALITA: Andi Eigenmann, umapela na igalang ang kanilang pagluluksa
Kaya sa pagkakataong ito, balikan at sariwain ang malaking kontribusyon ni Jaclyn sa industriyang kinabibilangan niya.
- White Slavery - Directed by Lino Brocka (1985)
Sa pamamagitan ng Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula na si Lino Brocka, nabigyan si Jaclyn ng pagkakataon na maging lead star sa pelikula nitong White Slavery.
Tungkol ang pelikula sa tatlong mahihirap na babaeng probinsyanang naakit sa kisig ng Kamaynilaan na kalaunan ay mahuhulog sa bitag ng pagbebenta ng laman.
Sa isang panayam ni Jaclyn noong 2016, tinanaw niyang isang malaking utang na loob kay Brocka ang narating niya sa industriya.
“I will not be what I am today if not for Lino,” saad niya.
- Takaw Tukso - Directed by William Pascual (1987)
Bagama’t nagsimula bilang sexy actress, pinatunayan pa rin ni Jaclyn ang kaniyang husay sa pag-arte. Una niyang nasungkit sa pelikulang “Takaw Tukso” ang parangal na Best Actress na iginawad ng Gawad Urian noong 1987.
Kasama niya rito ang mga artistang gaya nina Anna Marie Gutierrez, Julio Diaz, Gino Antonio at iba pa.
- Flor Contemplacion - Directed by Joel Lamangan (1995)
Kahit supporting actress ang role, ipinakita pa rin ni Jaclyn ang pambihira niyang kakayahan sa larangan ng pag-arte.
Ginampanan ni Jaclyn ang karakter ni “Neneng” sa naturang pelikula. Siya ang kabit ni Efren Contemplacion, asawa ng bidang si Flor.
Dahil sa kaniyang ipinamalas, kinilala ng FAMAS at Gawad Urian ang kaniyang husay kaya ginawaran siya ng dalawang award-giving body bilang Best Supporting Actress.
- Patay Na Si Hesus - Directed by Victor Villanueva (2016)
Nakasentro ang kuwento ng “Patay Na Si Hesus” kina Iyay—na ginagampanan ni Jaclyn—at sa kaniyang mga anak na nag-road trip mula Cebu papuntang Dumaguete para makipagburol sa nawalay niyang asawa na ang pangalan ay Hesus.
Nakasungkit ng dalawang espesyal na parangal ang naturang pelikula sa ginanap na QCinema Festival noong 2016: Gender Sensitivity Award at Audience Choice Award for Feature film
Ginawaran din ng Special Jury Prize ang pelikula sa Pista ng Pelikulang Pilipino noong Agosto 2017.
- Ma’ Rosa - Directed by Brillante Mendoza (2016)
Pero sa kaniyang mga ginampanang karakter sa pelikula—mapa-supporting o lead actress man—ang karakter niya sa pelikulang “Ma’ Rosa” ang masasabing pinaka-nagmarka sa lahat hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.
Si Jaclyn lang naman kasi ang kauna-unahang Pilipino at Southeast Asian actress na nakasungkit ng parangal na Best Actress sa ginanap na 2016 Cannes Film Festival.
Nakasentro ang kuwento ng Ma’ Rosa sa isang mahirap na pamilya sa Maynila na sangkot sa iligal na bentahan ng droga.
Paalam, Jaclyn!
Isang maluwalhati’t mapayapang paglalakbay.
Salamat sa malaking ambag sa sining.