Ipinahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng kasong “child abuse” at “qualified trafficking” si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Ayon kay Remulla nitong Lunes, Marso 4, may kinalaman ang naturang mga kaso sa umano’y krimeng ginawa ni Quiboloy noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang mga panahong iyon.

Ihahain umano ang naturang mga kaso ng prosecutors sa Pasig City at Davao City.

Matatandaang naglabas kamakailan ng subpoena ang Senado at Kamara laban sa pastor kaugnay ng mga umano’y pang-aabuso ng KOJC, at ng mga nilabag daw ng SMNI.

MAKI-BALITA: Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Hindi naman sumipot ang pastor sa naturang isinagawang pagdinig ng Senado, dahilan kaya’t inisyuhan siya ng subpoena.

MAKI-BALITA: Matapos ‘di sumipot sa Senate probe: Quiboloy, inisyuhan ng subpoena

Samantala, sa isang pahayag kamakaialn, itinanggi ni Quiboloy ang naturang mga alegasyon at sinabing pinag-aagawan daw siya ng mga babae dahil single siya.

MAKI-BALITA: Quiboloy, itinangging nang-abuso ng mga babae: ‘Pinag-aagawan nila ako’