Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros na masasampahan na ng kasong “child abuse” at “qualified trafficking” si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Matatandaang nito lamang Lunes, Marso 4, nang ianunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy ng naturang mga kaso dahil sa umano’y krimeng ginawa nito noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang mga panahong iyon.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Kaugnay nito, sa isang pahayag nito ring Lunes ay sinabi ni Hontiveros na isang tagumpay ang pagkaso kay Quiboloy para sa mga babaeng sinamantala umano ng pastor.

National

Casiño sa pahayag ni PBBM hinggil sa impeachment vs VP Sara: ‘He only deepens culture of impunity!’

“Isang napakalaking tagumpay ito para sa bawat babaeng inalipusta at sinamantala ni Apollo Quiboloy,” pahayag ni Hontiveros.

Nagpasalamat din ang senadora kay Remulla, maging sa mga tumestigo at patuloy raw na nakikipagtulungan sa kaniya kaugnay ng usapin.

“Maraming salamat kay SOJ Remulla for finally acting decisively on this matter. Pero mas higit na pasasalamat sa mga naglakas loob na magsalita, sa lahat ng mga tumestigo at mga patuloy na nakikipagugnayan sa opisina ko para magsiwalat ng kanilang katotohanan,” ani Hontiveros.

“This is a welcome first step towards the victim-survivors’ cry for justice, peace, and healing,” dagdag pa niya.

Samantala, nangako rin si Hontiveros na magpapatuloy raw ang Senado na imbestigahan ang “pang-aabuso” ng KOJC leader.

“We will ensure that these inquiries will result in strengthened laws for our women, our children, and the most vulnerable among us. This positive development is a gift to every woman this Women’s Month. Isang matapang at palabang Buwan ng Kababaihan sa ating lahat,” saad ng senadora.

Matatandaang naglabas kamakailan ng subpoena ang Senado laban sa pastor kaugnay ng mga umano’y pang-aabuso ng KOJC, na naiuugnay sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

MAKI-BALITA: Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Hindi naman sumipot ang pastor sa naturang isinagawang pagdinig ng Senado, dahilan kaya’t inisyuhan siya ng subpoena.

MAKI-BALITA: Matapos ‘di sumipot sa Senate probe: Quiboloy, inisyuhan ng subpoena

Samantala, sa isang pahayag kamakailan, itinanggi ni Quiboloy ang naturang mga alegasyon at sinabing pinag-aagawan daw siya ng mga babae dahil single siya.

MAKI-BALITA: Quiboloy, itinangging nang-abuso ng mga babae: ‘Pinag-aagawan nila ako’