Posibleng hindi makuha ng isang taga-Pasig City ang napanalunang ₱175 milyong jackpot sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Biyernes.

Ito ay kung mabigong makubra ng nasabing mananaya ang premyo sa loob ng isang taon, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Binigyang-diin ng PCSO na mapupunta sa charity fund ang premyo kung saan huhugutin ang medical assistance para sa mga kuwalipikadong indibidwal na humihingi ng tulong sa ahensya.

Katwiran ng PCSO, alinsunod ang hakbang sa Charter ng ahensya.

Matatandaang nahulaan ng naturang mananaya ang 6 digits na winning combination na 04-07-57-05-54-47 draw nitong Marso 1.

Inabisuhan ng PCSO ang nanalo na magtungo sa central office ng ahensya upang kubrahin ang premyo na kakaltasan ng 20 porsyentong buwis alinsunod na rin sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa datos ng PCSO, mahigit na sa ₱3 bilyon ang hindi nakubrang premyo mula 2006 hanggang 2013.

May dagdag na ulat ng PNA