Umani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang ulat tungkol sa isang babae sa Cebu City na nandakma at namisil ng ari ng isang lalaking kapwa pasahero habang nakasakay sa e-jeepney noong Pebrero.

Sa ulat ng Balitambayan ng GMA News noong Pebrero 29, nainis daw ang babaeng pasahero nang maramdaman niyang kinikiskis ng nabanggit na inirereklamong lalaki ang kaniyang ari sa kaniyang likuran. Pareho kasi silang nakatayo sa loob ng modern jeepney dahil punuan na.

Lumipat na lang daw ang 19-anyos na biktima ng puwesto subalit sinundan pa rin daw siya ng 28-anyos na suspek. Naramdaman daw ng babae na parang sinasadya na ang pagdikit ng ari sa kaniya.

Dito na raw nagkalakas-loob na dakmain at pisilin nang ubod-diin ng babae ang pag-aari ng lalaki.

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Nagalit daw ang suspek sa ginawa ng biktima kaya nagkaroon ng pagtatalo sa loob ng sasakyan. Nagkataon namang may mga pulis sa lugar, kaya isinama ang dalawa sa Police Station 7 sa Barangay Inayawan.

Hindi naman daw itinuloy ng babae ang pagsasampa ng reklamo sa lalaki.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Good job girl!"

"Ang problema kasi dyan sa modern jeepney na kahit puno na pasakay pa ng pasakay at kung minsan masusubsob ka pa sa biglaang preno."

"Manyak! Buti nga!"

"Kiskis pa more, sana sa pader na lang hahaha."

"Siguro tumigas kaya naramdaman ni Ate na baka sinasadya."

"Bakit iniurong reklamo? Kasi nandakma si Ate at baka siya rin ang ireklamo ni Kuya?"

"Ito naman kasing mga modern jeep, pasakay nang pasakay eh kahit halos puno na."

Ang acts of lasciviousness ay itinuturing na krimeng nakapaloob sa Revised Penal Code at nalalagay bilang Crime Against Chastity. Masasabing ang ginawa ng isang tao ay act of lasciviousness kapag idinampi o idinantay ng isang tao ang kaniyang katawan o iba pang bahagi ng katawan sa katawan ng isa pang tao para mapunan ang sekswal nitong pagnanasa ngunit walang naganap na pwersahang pakikipagtalik o rape. Kasama rito ang malaswang paghawak sa maseselang bahagi ng isang tao.

Kailangang mapatunayang ang ginawang paghawak o paglalapat ng katawan ay may lewd design o malaswang intensyon. Kapag ang ari o bagay ay naipasok sa genital, sa bibig (oral) o sa puwet (anal), maituturing na itong panggagahasa o rape. Kahit anuman ang kasarian ng tao ay puwedeng maireklamo nito.

Kaya naman, ingat-ingat sa paghawak, pagdampi, o pagdantay ng anumang bahagi ng katawan sa katawan ng iba, lalo na sa mga estranghero, dahil baka mapagmulan pa ito ng komosyon.