Umalma si Asia's Phoenix Morissette Amon sa Facebook post ng isang event director kaugnay ng isang "phoenix" singer na tila hindi sinulit ang bayad sa kaniya dahil sa ipinakitang performance sa isang corporate event.
Ayon sa Facebook post ni Vic Sevilla, ang nabanggit na singer ay naimbitahan sa isang corporate event at siya ang nagdirehe nito.
Inaasahan daw ng lahat na "fiery performance" ang makikita sa kaniya dahil sa mga katangiang nabanggit, subalit tila kabaligtaran daw ang nangyari.
"Naturally, we were expecting no less than a fiery performance from her. Sadly, her much-vaunted vocal power appeared to be missing that night," anang direktor.
"She seemed zapped of energy, acted uninterested, and sounded distant and cold. It was as if all enthusiasm escaped her the moment she stepped on stage."
"It was disappointing given that performers of her stature and popularity demand a hefty price to appear in corporate events. At the very least, she could have faked enthusiasm to cheer the audience up and not act as if she wanted to get off the stage in haste."
"She was, at the moment, a complete waste of time and money," maanghang na pahayag ng event director.
Bagama't walang binanggit na pangalan, nagkakaisa ang mga netizen na ang tinutukoy niya ay si Morissette Amon, na kilala sa bansag na "Asia's Phoenix."
Dahil dito, nagbigay ng kaniyang pahayag si Amon sa pamamagitan ng Instagram stories.
Aniya, hindi raw sana siya magsasalita tungkol sa nasty rumours subalit unfair naman daw kung isang side of story lang ang mababasa ng mga netizen.
Aniya, hindi raw niya kilala ang taong nag-post nito kaya hindi raw niya alam kung bakit ganito na lang ang effort nito para sirain ang kaniyang craft.
Paliwanag ni Mori, bago ang performance ay bedridden siya dahil sa sakit, subalit sa ngalan ng propesyunalismo at "the show must go on," kahit na kakanselahin na sana niya ito, ay tumuloy pa rin siya.
Nag-take daw siya ng steroids at kahit na alam niyang hindi 100% ang naibigay niya, para sa kaniya raw ay ibinigay niya ang best na makakaya niya.
Alam daw niya sa konsensya niya na ibinigay niya ang lahat nang makakaya niya kahit masama ang pakiramdam niya. Ang mahalaga raw ay nagpakita siya. Kaya naman, ito raw ay paalala sa kaniya na tao lang din siya at kailangan ding magpahinga dahil posible pa rin ang pagkakasakit.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon o pahayag si Sevilla kaugnay nito.
MAKI-BALITA: ‘Walang gana?’ Event director dismayado sa isang ‘phoenix’ singer