Dalawang weather system ang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Marso 3.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley at Apayao
Bukod dito, inaasahang magdadala rin ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, at Aurora.
Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, inihayag ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.
Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: