Transparency sa tuition subsidy, iginiit vs 'ghost beneficiaries'
Hiniling ni Senator Raffy Tulfo na magkaroon ng transparency sa ipinatutupad na tuition subsidy o Government Assistance to Students and Teachers in Private Schools (GASTPE) program ng Department of Education (DepEd).
Ito ay nang matuklasan sa isang pagdinig sa Senado kamakailan na aabot sa 12, 675 ang naging 'ghost beneficiaries' o pekeng benepisyaryo ng programa.
Paliwanag ng senador, nasa ₱300 milyon ang nawala sa pamahalaan dahil na rin sa pagkakaroon ng mga pekeng benepisyaryo.
Panawagan nito sa DepEd at sa Private Education Assistance Committee (PEAC), ilista na lamang online ang mga benepisyaryo upang mawala ang pagdududa ng publiko.
Ang DepEd at PEAC lamang ang nakakaalam sa mga benepisyaryo ng programa.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa DepEd na i-submit nito ang financial statement ng PEAC sa Commission on Audit (COA).