Isang dekada na simula nang ilunsad ng Adarna House ang Janus Silang, serye ng mga nobelang young adult, na kinatha ni Edgar Calabia Samar.
Ipinagdiwang ng nasabing publishing house ang tagumpay na ito ng nobela sa mismong kaarawan ng titular character na si Janus noong Huwebes, Pebrero 29, na ginanap sa Gateway Mall, Araneta Center.
Bilang handog sa Santinakfans, inilunsad ng Adarna ang ika-10 anibersaryong edisyon ng unang aklat na “Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon.” Nagkaroon din ng palaro, book talk, book signing, at exhibit kung saan tampok ang mga fan art at ibang pang may kaugnayan sa mitolohiya ng Pilipinas.
Nagsimula ang kuwento ng pakikipagsapalaran ni Janus noong namatay ang lahat ng manlalaro ng Terra Anima Legion of Anitos o TALA Online sa isang computer shop sa bayan ng Balanga.
Sa serye ng mga nobelang ito, matutunghayan kung paano pinagsanib ni Samar ang iba’t ibang elemento ng mitolohiya, kasaysayan, at teknolohiya sa pagsasalaysay.
Ayon sa ibinahaging trivia ni Samar sa kaniyang Facebook post noong 2019, sinimulan niya raw isulat ang unang libro ng Janus Silang noong unang araw ng Hunyo 2013. Sa loob ng isang buwan, natapos niya ang first draft.
At noong 2021, sa gitna ng panlipunan at pangkalusugang krisis na kinakaharap ng Pilipinas, inilunsad ang ikalima at huling libro ng serye. Kaya hindi nakapagtatakang makikita ang pagkakahawig ng reyalidad ng bansa sa ilang pahina nito:
“Napakaraming estudyante’t aktibistang basta nawawala na lang, may mga nakikitang bangkay na, at may hindi na makita kahit hanggang ngayon. Ginigipit lalo ang mga manggagawa na halos wala nang kinikita sa pang-araw-araw na pagpapaalipin sa kanilang pinagtatrabahuhan. Patuloy ang pagtaas ng mga bilihin. Dumarami ang mga pamilyang hindi kumakain. Tuloy ang paglubog sa utang sa bansa samantalang inaagaw ng mga mas makapangyarihang bansa ang mga teritoryo natin at buhay.”
Palatandaan ito na sa kabila ng pantastikong katangian ng mundong ginagalawan ni Janus, masasabing ang panulat ni Samar ay nakaugat pa rin at hindi nalalayo sa katotohanan ng lipunan.
Dahil sabi nga mismo niya: “Isang pribilehiyo ang pagsusulat sa gitna ng napakaraming naghihirap kaya hindi mawawala ang pasanin sa kamalayan ng manunulat na magsulat ng makabuluhan.”
Sa loob ng isang dekada, maraming nangyari sa Janus Silang ni Samar. Naisalin ito sa iba’t ibang anyo ng sining gaya ng ginawa ng Tanghalang Ateneo noong 2017 na binigyang-buhay si Janus sa entablado.
Isinakomiks din ni Mervin Malonzo ang ikalawang libro noong 2019. Nagkaroon din ng English version sa komiks ang unang libro na inilathala ng Tuttle Publishing noong 2023 sa pamamagitan nina Carljoe Javier at Mervin Malonzo (ulit).
Pero kung may pinakahinihintay man ang buong Santinakfans, ito ay ang maipalabas sa telebisyon ang Janus Silang gaya ng mga klasikong karakter sa komiks na sina Darna, Captain Barbell, Flash Bomba, Lastikman at iba pa.
Sa X post ng makata at screenwriter na si Jerry Gracio noong Setyembre 2018, inanunsiyo niyang pagmamay-ari na umano ng ABS-CBN ang television rights ng Janus Silang ni Samar.
“Excited ako dito. Congrats Egay! You (and Janus) [are] now officially Kapamilya, and of course you're in good hands with GMO around,” saad ni Gracio.
Simula noon, hindi na tumigil pa sa pag-aabang ang mga mambabasa ng serye na makita si Janus sa telebisyon.
At sa gitna ng tagumpay ng “Trese” ni Budjette Tan at Kajo Baldisimo sa Netflix noong 2021, tila nagkaroon ng ideya ang mga tagasubaybay ni Janus para sa iba pang posibilidad ng serye. Nagkaroon kasi ng panawagan na i-adapt din ito bilang animated series gaya ng ginawa sa komiks nina Tan at Baldisimo.
Pero ayon kay Gracio: “Hindi anime ang plano sa Janus Silang. Live action. Si Joshua Garcia sana si Janus. Mahirap lang gawin, dumating ang pandemic, nawalan ng prangkisa, hindi na bagets si Joshua, epal ang mga tiyanak.”
Sa kasalukuyan, wala pa ring malinaw na petsa kung kailan makikita sa telebisyon si Janus bagama’t nabanggit ni Samar sa kaniyang book talk na posible itong mapanood sa Prime Video sa darating na panahon.