Nagbigay ng reaksiyon at komento ang isang beterinaryo hinggil sa problema ng all-female group na "4th Impact" sa kanilang mga alagang shih tzu na umabot na sa 200.

Dinagsa kasi ng batikos ang pangangatok ng magkakapatid sa publiko na tulungan silang makakalap ng pondo para magkaroon ng sariling haven o lugar ang kanilang mga alagang shih tzus na umabot na raw sa 200.

Mababasa sa "GoFundMe" ang apela ni Almira, isa sa magkakapatid na miyembro ng nabanggit na grupo.

Aniya, noong una ay lima lamang ang kanilang alaga na ibinigay sa kanila ng fans. Hindi na nila namalayan ang pagdami ng mga tao hanggang sa umabot na nga sa 200.

Tsika at Intriga

Sue Ramirez, inurirat sa viral pictures nila ni Dominic Roque

Wala sanang magiging problema subalit inireklamo na raw sila ng mga kapitbahay dahil sa ingay ng mga ito.

Kaya apela nila sa kapwa fur parents, sana raw ay matulungan silang magkaroon ng pondo para sa binabalak nilang "safe and expansive farm" para sa mga alaga.

Isang beterinaryo naman ang nag-share nito sa Instagram at kinomentuhan. Paliwanag niya, dapat daw una pa lang ay pinakapon na ang mga alaga upang hindi na sila dumami. Hindi raw sapat na puro alaga lamang at nasisiyahan ang furparents sa kanilang pagdami.

"𝐃𝐎 𝐍𝐎𝐓 𝐒𝐔𝐏𝐏𝐎𝐑𝐓 𝐁𝐀𝐂𝐊𝐘𝐀𝐑𝐃 𝐁𝐑𝐄𝐄𝐃𝐈𝐍𝐆 𝐚𝐧𝐝 𝐈𝐍𝐁𝐑𝐄𝐄𝐃𝐈𝐍𝐆"

"Sa dami ng mga nahihirapan na mga shelters at rescuers, nakakalungkot na makakita ng ganitong sitwasyon — purebreed dog na nagsimula sa 5, ngayon ay 200 na."

"Hindi sapat na mayroon silang pagkain at tirahan, dapat ay sapat, maayos at tama ito para sa kanila."

"Ang pagpaparami ng mga alagang hayop through 'mating' sa sariling bahay na walang kaukulang permit ay tinatawag na 'backyard breeding' at ito po ay illegal. Lalo na kung ang mga ito ay ibinebenta o pinagkakakitaan.

Ang 'inbreeding' naman ay ang pagtatalik ng magkapatid o anak at magulang na hayop. Ito ay nagreresulta sa mas mahinang mga anak na kadalasan ay maraming sakit at komplikasyon."

"Sa laki ng problema natin sa animal/stray population at animal welfare abuses, ‘wag na sana tayong dumagdag pa. Ipakapon ang mga alaga kung hindi kayang kontrolin ang kanilang pagdami. Hindi na ito pagmamahal kung sarili lamang natin ang ating iisipin at hindi ang kanilang pangmatagalan na kapakanan," anang Doc Gab.

Sa comment section naman ay sang-ayon ang mga netizen sa sinabi ng beterinaryo. May ilang netizens pa ang sumilip sa pag-attend ng magkakapatid sa "Eras Tour" ng award-winning American singer-songwriter na si Taylor Swift na hindi biro ang ticket. Kung nagawa raw nilang makadalo sa isang international concert, bakit daw kailangan pang manawagan para sa isang fund-raising?

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng 4th Impact tungkol sa isyu.

MAKI-BALITA: Nakapag-Eras Tour daw? 4th Impact inokray sa fund-raising para sa mga alaga