AFP, nakiramay sa pamilya ng napatay na NPA leader sa Bohol
Nakiramay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamilya ni New People's Army (NPA) leader Domingo Compoc na napatay sa sagupaan sa pagitan ng grupo nito at tropa ng pamahalaan sa Bohol kamakailan.
Nakikidalamhati rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pamilya, lalo na kay Candidate Coast Guard Officer (CCGO) Jerylou Niña, anak ni Compoc.
Pagdidiin ni PCG, isa si Jerylou sa mga Coast Guard Officers' Course (CGOC) trainee sa Regional Training Center (RTC)-Bataan.
Ipinaliwanag ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, pinayagan nilang umuwi ng probinsya si Jerylou upang mabisita ang napatay na ama.
Paglilinaw ni Balilo, alam nila ang background ng nasabing trainee--na anak ng lider ng NPA. Gayunman, hindi aniya naging hadlang sa kanya na pumasok sa Coast Guard dahil na rin sa paniniwala ng PCG na ito lamang ang paraan upang magbalik-loob sa pamahalaa ang mga kasapi ng kilusan.
"May cases na rin tayo noon na mga anak ng mga miyembro ng rebel groups na naging Coast Guard personnel. Sila mismo 'yung dine-deploy natin sa mga critical areas sa Mindanao. Nangunguna rin sila sa pagsasagawa ng anti-piracy at iba pang maritime law enforcement operations," ani Balilo.
"Malaking tulong yung presensya at koneksyon nila, lalo na sa Mindanao, kaya suportado natin yung mga anak nila na gustong mabigyan ng bagong buhay ang kanilang mga pamilya," pahabol pa ni Balilo.
Sinabi naman ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, binibigyan nila ng pantay na oportunidad ang mga trainee upang maging "assets" ng pamahalaan, anuman ang kanilang pinanggalingan.
Aminado naman ang AFP na ilang taon na nilang binabantayan ang pamilya ni Compoc at ilang beses na ring sinubukang makipag-usap sa kanya ng mga anak nito upang lisanin ang kilusan. Gayunman, nabigo ang mga ito.
Si Compoc ay napatay nang makasagupa ng grupo nito ang mga sundalo sa Bilar, Bohol nitong Pebrero 23.