Kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes na may naganap na minor glitch sa pagdaraos nila ng 3-Digit game 2:00 PM draw noong Martes, Pebrero 27, matapos na isang draw machines nila ang mabigong ma-capture ang isa sa mga winning balls.
Nabatid na ang 3-Digit draw ay nag-aalok ng top prize na P4,500 bawat winning ticket.
Kaagad namang nagpaliwanag ang PCSO hinggil dito.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, kaagad na rumesponde ang kanilang technical team at inayos ang problema sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang standby machine na aprubado, base sa ISO 9001-2018 procedure.
Paliwanag pa niya, “It’s not the first time that this happens and we want to assure the public that we are prepared for this kind of unexpected incident with our established ISO-approved protocols.”
Idinagdag pa ni GM Robles na ang PCSO ay dati na ring nakaranas ng glitch sa isa sa mga draws nito noong 2008 at may kahalintulad na insidente na rin na nangyari sa Estado Unidos nang mag-malfunction ang kanilang lottery machines.
Nabatid na sa nakalipas na 25-taon, ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng minor glitch sa PCSO habang nagsasagawa ng official draw.
Pagtiyak naman ni GM Robles, “For this thing to happen is very remote. But we are prepared and we assure the public that our commitment to a transparent, fair and authentic lottery games will never waver, and is as strong as ever.”