Dahil na rin sa kahilingan ng residente kung kaya’t nagdesisyon ang Manila City Government na buksan na rin sa publiko ang Manila Clock Tower Museum kahit weekends.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, magsisimula ang weekend operations ng museum, ngayong Sabado, Marso 2, 2024.

"Now, you can enjoy our museum even on Saturdays and Sundays," anunsiyo pa ng alkalde nitong Biyernes.

Samantala, sinabi naman ni Jose Ma. D. Belmonte, Project Head ng Manila Clock Tower Museum, na ang museum ay maaaring bisitahin mula 10:00 AM hanggang 3:00 PM mula Martes hanggang Linggo.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Makikita aniya dito ang makulay na kasaysayan ng Maynila gayundin ang mga modern art galleries na may changing art exhibits.

Ayon pa kay Belmonte, habang isinusulat ito, ang mga karagdagang exhibits na itinatampok sa museum ay ang 'Raising the Bar,' 'Spectrum Exhibit' at 'Woven Exhibit.'

Matatandaang nitong Pebrero 2024 lamang, ang museum ay tinanghal bilang Golden LEAF Presidential Awardee ng 'Philippine LEAF Awards Tertulia at Parangal 2024', isang  award na kumikilala ng integrity, creativity and excellence sa  Philippine live entertainment, performing arts, fashion and festivals.

Noong Nobyembre 2023 naman, ang museum ay pinarangalan ng National Commission of Culture and the Arts (NCCA) bilang grand winner sa MGM 2023 AVP Museum Competition.

Ang Manila Clock Tower, na may taas na 100 talampakan at itinuturing na pinakamalaking clock tower sa bansa, ay natapos noong 1930, at dinisenyo  ng Filipino Neoclassical artist at architect  na si Antonio Toledo.

Isinailalim ito sa rehabilitasyon at muling binuksan sa publiko noong Oktubre 2022.