Pinaalalahanan ni Department of Health (DOH) Regional Director Paula Paz M. Sydiongco ang mga motorista na maging maingat sa kanilang pagmamaneho upang makaiwas sa anumang aksidente.

Kasunod na rin ito ng ulat ng Provincial Police Office (RPO) ng La Union na nakakaalarma na ang pagtaas ng mga naitatala nilang aksidente sa kalsada sa lalawigan.

“Practice safe and defensive driving when you are on the road. Don’t overspeed, always be alert and also avoid road rage,”  paalala pa ni Sydiongco nitong Biyernes.

Giit niya, “Ang pagiging responsible sa pagmamaneho ay daan upang maiwasan ang anumang disgrasya na maaaring mangyari.”

Nauna rito, sa “Byaheng Kalusugan: Road Safety Month 2024 coordination meeting na idinaos nitong Huwebes, sa pangunguna ng DOH – Ilocos Region sa San Fernando City, La Union, ibinunyag ng La Union RPO na nakakaalarma na ang pagtaas ng mga vehicular traffic incidents (VTIs) sa lalawigan.

Base sa datos na iprinisinta nila, nabatid na nasa 872 VTIs na may 88 pagkamatay ang naitala nila mula Enero hanggang Disyembre 2023.

Mas mataas anila ito, kumpara sa 511 kaso lamang na naitala noong 2022 na may 77 deaths lamang.

Ayon kay Deputy Provincial Director for Operations, PLTCOL Arnold S. Ongachen, karaniwang sanhi ng VTIs ay overspeeding; pagmamaneho ng lasing sa alak o droga; malulubak na kalsada na nagreresulta sa pagkawala ng kontrol sa sasakyan; miscalculations at distracted driving at kakulangan ng sapat na kaalaman sa mga traffic rules and regulations.

“For the part of he PNP, we have intensified our efforts in lessening VTIs through the deployment of checkpoints in major areas of the province. We have deployed more personnel to effectively decrease VTIs,”  aniya pa. “Pag may nakikita po kasing mga pulis at checkpoints sa daan, nababawasan po ang pagkakaroon ng disgrasya dahil karamihan po ng naaksidente, lalo na sa mga nakamotor ay walang mga lisensya at hindi rehistado ang mga sasakyan.”

Nabatid na ang “Byaheng Kalusugan: Road Safety Month” 2024 celebration ay naglalayong magkaloob ng awareness sa mga motorista, commuters at pedestrian na ang road safety o kaligtasan sa kalsada ay isang shared responsibility at ang mga aksidente sa lansangan at pagkamatay ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng sama-samang pagsusumikap ng lahat ng taong may kinalaman dito.

Ito ay dinaluhan din ng mga kinatawan mula sa LTO, DPWH, ITRMC, PHO La Union, PDRRMO, PNP Regional Office 1, PNP La Union, PIA La Union, PDOHO La Union, DOH1-HEMS, San Juan LGU at mga miyembro ng Cyclist and Bikers Association of LA Union.