Naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Marso 1, kaugnay ng mga natatanggap umano nilang reklamo na may mga school personnel na nagbebenta o nag-uutos sa mga estudyanteng bumili ng booklets o workbooks para sa Catch-Up Fridays at iba pang mga aktibidad.
“The Department reiterates that such acts are strictly prohibited,” pagbibigay-diin ng DepEd sa isang pahayag na inilabas sa kanilang Facebook page.
“Catch-Up Fridays and other school activities must not involve out-of-pocket costs. Parents and learners are reminded not to accommodate and patronize such unauthorized transactions,” dagdag nito.
Nagsasagawa na raw ng imbestigasyon ang departamento kaugnay ng naturang usapin.
“Any individual found guilty of such scheme shall face appropriate administrative sanctions,” pag-abiso ng DepEd.
Hinikayat din nito ang publiko na i-report ang mga kaparehong insidente sa kanilang Office of the Secretary sa [email protected].
Matatandaang noong Nobyembre 2023 nang ianunsyo ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na gagawin nilang “catch-up day” ang bawat araw ng Biyernes upang tulungan umano ang mga estudyanteng mahasa ang kanilang reading at literacy skills.
Nagsimula naman ang implementasyon ng Catch-Up Fridays noong Enero 12, 2024.