“Bakit wala pa ring pangmatagalang solusyon?”

Ito ang pagkuwestiyon ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino matapos niyang isiwalat na bukod sa mga naiulat na daga at surot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), patuloy pa rin daw na nagiging problema “congestion” sa loob ng paliparan.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Marso 1, iginiit ni Magsino na pabalik-balik umano ang problema ng “congestion” sa NAIA.

Kaugnay nito, nanawagan ang mambabatas sa mga awtoridad, partikular na sa Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA), na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at aksyunan ang naturang suliranin.

National

OFW Party-list Rep. Magsino, ikinabahala surot, daga sa NAIA

“Ang ating mga paliparan ay hindi lamang gateway sa ating tourism industry kung hindi pati ng ating labor migration. Ang pagkaantala sa proseso sa departure ng ating mga OFWs ay naglalagay ng kanilang kabuhayan sa alanganin dahil sa posibleng missed flights na magreresulta sa hindi pagtupad sa kanilang deployment schedules o return-to-work orders,” ani Magsino.

Samantala, iginiit din ng mambabatas na nakababahala raw ang mga kaso ng umano’y mga surot at daga na naiulat sa paliparan.

“Ako po ay nababahala sa umiiral na kalagayan sa [NAIA] Terminals 2 at 3, lalo na sa mga ulat tungkol sa mga diumano’y insidente ng surot at daga na nagdudulot ng pangamba at hindi komportableng karanasan para sa mga pasahero,” aniya.

Matatandaang kamakailan lamang, ilang mga pasahero ang nag-post ng kanilang saloobin sa social media matapos daw silang makaramdam ng pangangati at magkapantal dahil sa surot.

Humingi naman ng paumanhin ang MIAA noong Miyerkules, Pebrero 28, sa mga nabiktima ng surot at sinabing inaaksiyunan na nila ang isyu.

https://balita.net.ph/2024/02/29/may-surot-sa-naia-miaa-nag-sorry-sa-mga-nakagat-na-pasahero/

Pagkatapos nito, nag-viral nitong Biyernes, Marso 1, ang video hinggil sa isang tumatakbong daga na nakita rin umano NAIA.

Habang isinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang MIAA hinggil dito.

https://balita.net.ph/2024/03/01/pagkatapos-ng-surot-daga-nakita-rin-daw-sa-naia/