Dinisbar ng Korte Suprema ang isang abogadong opisyal ng Bureau of Customs (BOC) matapos gamitin ang kanyang puwesto sa pagbebenta ng sasakyang nakumpiska ng ahensya 24 taon na ang nakalilipas.

Sa pahayag ng Supreme Court (SC), tinanggal nila sa listahan ng mga abogado si Jorge Monroy at pinagmulta pa ng ₱20,000 dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).

Nag-ugat ang usapin matapos magsinungaling si Monroy nang sabihing may kapangyarihan siyang magbenta ng mga nasamsam na sasakyan ng pamahalaan dahil opisyal ito ng BOC-Financial Services.

National

Umano'y 'white substance' na inabot kay PBBM, isang lapel pin daw sey ng PCO

Sa rekord ng hukuman, sinabi ng complainant na si Julieta Co , family friend ni Monroy, inalok siya ng huli na ibenta sa kanya ang SUV na Totoya Land Cruiser na nagkakahalaga ng ₱1.4 milyon, noong Hulyo 2000.

Ang nasabing sasakyan ay nakumpiska ng BOC 24 taon na ang nakararaan.

Tiniyak ni Monroy na legal ang transaksyon at bibigyan din ito ng official receipt.

Nasa ₱150,000 ang ibinigay ni Co bilang paunang bayad at matapos ang tatlong araw ay inabisuhan siya ng opisyal na handa nang i-deliver ang sasakyan.

Matapos magbayad ng balanseng ₱1.25 milyon ay sinabihan siya na wala pang pirma sa dokumento ang isang opisyal ng Department of Finance (DOF) upang mai-release na ang sasakyan.

Noong Hulyo 24, bumalik na naman si Co sa opisina ni Monroy na nagsabing wala pa ring pirma ang undersecretary ng DOF hanggang sa sabihin na hindi na maibibigay ang sasakyan dahil itinakas ang perang ibinayad nito.

Nagsampa ng kaso si Co nang hindi maibalik ni Monroy ang pera.