Naglabas ng saloobin ang ama ni Hannah Joy Cesista na namatay sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa Purok Matin-ao 2, Brgy. Campagao, Bilar, Bohol nitong Pebrero 23.
MAKI-BALITA: Pulis, 5 sa NPA patay sa engkuwentro sa Bohol
Sa ulat ng isang pahayagan nitong Miyerkules, Pebrero 28, sinabi raw ni Eutropio Cesista na masakit para sa kaniya ang sinapit ng anak niya.
"Sana hindi mangyari sa inyo. Napakasakit, walang kasing sakit. Kasi hindi namin ini-expect na ganon ang magiging end sa anak ko, sa pinakamamahal kong anak," lahad ni Eutropio.
Pero sa kabila ng pighating nararamdaman, nilinaw ni Eutropio na hindi umano siya galit sa gobyerno.
Si Hannah ay isang abogada na kakapasa lang sa Bar Exam noong nakaraang taon.
Kasapi si Hannah ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL). Ito umano ang nagbalita kay Eutropio ng nangyari sa kaniyang anak matapos ang nasabing sagupaan.
Pero ayon kay Eutropio, hindi raw siya sang-ayon na sumapi sa NUPL si Hannah noong una. Kalaunan na lang siya pumayag nang ipaliwanag nito ang layunin ng nasabing organisasyon.
Umaasa naman si Eutropio na si Hannah na ang huling magiging biktima ng ganitong uri ng insidente sapagkat sobrang hirap daw para sa isang magulang na mawalan ng anak.
Sa kasalukuyan, tanggap na raw ni Eutropio ang nangyari kay Hannah. Ang hiling lang niya, wala raw sanang iba pang makisawsaw sa imbestigasyon.
Samantala, pinabulaanan naman ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na minasaker umano ang grupo nina Hannah.