Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na nakalatag na ang mga aktibidad na isasagawa ng pamahalaang lungsod para sa pagdiriwang ng National Women's Month sa Marso.
"Sa Friday (Marso 1), umpisa na ng National Women's Month, isang malaking pagdiriwang para sa atin sa Manila kung saan lahat ay pantay-pantay," anang alkalde nitong Miyerkules.
Inanyayahan din niya ng alkalde ang mga interesado na lumahok sa iba't-ibang gawain na nakahanay para sa nasabing pagdiriwang.
Kasabay nito, tiniyak ni Lacuna na sa Maynila ay mayroong pantay na pagkakataon at karapatan para sa mga babae, lalaki at maging sa mga miyembro ng LGBTQ+ community.
Ayon sa alkalde, sa Manila City Government pa lamang ay marami ang mga babae na siyang pinuno ng iba’t-ibang departmento, units at tanggapan.
"Ito (equality) ay nakikita natin sa mga kasamahang depatment heads kung saan ang pinagbabasehan sa pagpili ay ang inyong kakayahan na gawin ang inyong tungkulin at hindi base sa kasarian," anang lokal na punong ehekutibo.
Paniniguro pa niya, "Lahat ay may equal opportunities sa ating lungsod. Karangalan ko na madaming babae na nag-excel dito sa ating lungsod."
Hinikayat din naman niya ang mga kababaihan na lumahok sa mga gawain ng Department of Social Welfare (DSW) sa ilalim ng pamumuno ni Re Fugoso.
Pinuri pa niya si Fugoso dahil pinuno na nito ang buong buwan ng Marso ng mga aktibidad na may kaugnayan sa gawain ng kanyang tanggapan.
Pinuri din ng alkalde ang mga social workers at daycare teachers ng DSW, na ayon sa kanya ay higit pa sa kanilang itinakdang trabaho ang ginagawa, tulad na lamang ng pagtulong nito sa pamamahagi ng mga allowance at tulong pinansiyal para sa mga biktima ng sunog, bukod pa sa pagsagip sa mga street dwellers.