May pagkakataon na pakiramdam natin hindi tayo naririnig ng Diyos dahil hindi Niya sinasagot 'yung panalangin natin. 'Yung tipong ang tagal mo nang ipinagdarasal pero wala pa ring sagot, hindi pa rin Niya ibinibigay.
Kaya kadalasan gusto nating malaman kung bakit hindi pa sinasagot ng Diyos 'yung panalangin natin at bakit kailangan pang maghintay.
"Lord, bakit hindi mo pa sinasagot 'yung matagal ko nang ipinagdarasal?"
"Lord, naririnig mo pa ba ako?"
"Lord, hanggang kailan ko kaya hihintayin 'yung sagot?"
Sabi ng isang pastor sa preaching niya, "walang ipinangako ang Bibliya na ang lahat ng ating mga katanungan ay masasagot sa buhay na ito."
Tumama 'yon sa puso ko, oo nga 'no? maraming tanong pero hindi lahat may sagot.
Pero ano ba 'yung dapat gawin kapag hindi pa sumasagot ang Diyos sa ating panalangin?
Huwag mong sukuan sa panalangin
Kahit binabad na natin sa panalangin 'yung bagay na ninanais natin, patuloy lang nating ibabad pa. 'Wag tayong mapapagod na manalangin dahil ang Diyos ay hindi napapagod na makinig sa atin.
Gamitin natin ang panalangin para makipag-usap ng puso sa puso sa ating Panginoon. Ibuhos mo lahat ng hinanakit mo, lahat ng "bakit", lahat ng bagay na gusto mo nang isuko, lahat ng nagpapabigat sa puso mo. Maging honest ka lang sa nararamdaman mo.
Kadalasan kasi ang gusto rin ng Diyos ay ilapit muna natin ang ating puso sa Kaniya, gusto Niyang makita 'yung nilalaman nito, at kung handa na ba ito.
Sa ngayon, okay lang kahit wala pang sagot, okay lang kahit ang tagal na nating nanalangin, okay lang kahit sa tingin natin wala pang nangyayari—ang mahalaga ibinuhos natin sa Kaniya lahat.
Lagi lang din tandaan, walang makakapigil na manalangin sa taong naniniwala sa kakayahan ng Diyos. 'Wag madaliin ang Diyos, magtiwala lang tayo, dahil may hinahanda pa Siya sa buhay natin.
Maghintay at Magtiwala
Ang paghihintay sa Diyos ang isa sa pinakamahirap na gawin kapag naiinip na tayo, kapag gusto na nating makuha 'yung ipinapanalangin natin. Itong paghihintay ay isa sa mga paraan ng Diyos upang makita Niya kung tunay ba natin Siyang pinagkakatiwalaan kahit hindi na natin maintindihan kung bakit wala pa Siyang sagot.
Sa gitna ng paghihintay, mahuli man Siya sa paningin ng tao, pero 'yung plano Niya para sa atin ay nauna na Siya. Dahil sa simula pa lang, alam na Niya kung ano ang nakatadhana para sa atin.
Gusto naman Niya talaga sagutin 'yung panalangin natin, kaya lang minsan dine-delay Niya ito dahil mayroon pa Siyang mas magandang plano.
Mukha man Siyang late, pero lagi Siyang on time. Magtiwala lang. Tuloy lang, 'wag tayong hihinto na magtiwala.
Ang ating panalangin ay buksan ng Diyos ang mga mata at puso natin para makita natin 'yung kadakilaan Niya sa'ting buhay. At turuan Niya tayong palaging dumipende sa Kaniya.
Huwag natin kuwestiyunin 'yung ginagawa Niya at 'yung mga kaya pa Niyang gawin. NARIRINIG KA NIYA at magugulat ka na lang na mas higit pa sa ipinagdasal mo 'yung sagot ng Diyos sa'yo.
Sabi nga sa Isaiah 60:22, "when the time is right, I, the Lord will make it happen."
Happy praying, Ka-Faith Talks!