Hinatulan ng Korte Suprema si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy na “guilty” sa indirect contempt dahil umano sa “pag-redtag” nito sa isang Manila Regional Trial Court (RTC) judge.

Base sa desisyon ng korte, nahatulan si Badoy matapos ang kaniyang naging “vitriolic statements and outright threats” laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar.

Inakusahan umano ni Badoy si Malagar na may kaugnayan sa communist insurgency matapos nitong tanggihan ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklara ang Communist Party of the Philippines and the New People’s Army (CPP-NPA) bilang mga terorista.

Kaugnay nito, pinagmumulta ang dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC ng ₱30,000 at binalaang mahaharap sa mas mabibigat na parusa kung uulitin ang kaniyang naging pagkakamali.

Matatandaang noong Setyembre 21, 2022 nang ibasura ni Malagar ang petisyon ng DOJ na tawaging terrorist organization ang CPP at NPA sa ilalim ng Human Security Act of 2007.

Matapos nito, sa pamamagitan ng isang social media post ay inakusahan umano ni Badoy si Malagar na nag-abogado para sa CPP-NPA.

“If I kill this judge and I do so out of my political belief, then please be lenient with me,” saad pa umano ni Badoy sa isang burado nang post noong 2022.