Usong-uso ang hiwalayan sa panahon ngayon magmula sa mga sikat na artista, celebrity, influencers, at of course, sa karaniwang taong magkakarelasyon na hindi naibabalita o naibo-broadcast sa social media o mainstream media.

Ang ilan, inabot na halos ng isang dekada tapos nauwi rin sa split, ang ilan ay wala pang isang taon, at ang ilan pa nga, engaged na pero nauudlot pa.

May ilang kaso rin na ikinasal na, makalipas ang ilang buwan, saka naghihiwalay.

Pero kakaiba ang kuwento ng isang bagong kasal na couple sa Visayas dahil matapos daw ang seremonya ng kanilang kasal, sila ay nag-away, at ang groom ay lumayas sa mismong reception. Nakakaloka, 'di ba?

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Iniulat ito ng regional radio station na RPN DYKC Cebu sa kanilang Facebook page noong Pebrero 26, 2024.

Saad sa ulat na isinalin na sa wikang Tagalog/Filipino, "Nag-viral ngayon sa social media ang bagong kasal kung saan sabi pa, agad daw silang naghiwalay.

Sa post ng lalaki, sinabi pa na hindi raw sumama ang babae sa lalaki kaya't iyon ang dahilan kung bakit gusto niyang makipaghiwalay. Ang dahilan, tila hindi raw maibigay ng kampo ng lalaki ang dowry o dote na hinihingi naman ng pamilya ng babae sa kaniya.

Ang pagbibigay ng dote ay isang tradisyonal na konsepto sa ilang kultura, kung saan ang pamilya ng lalaki ay nagbibigay ng mga ari-arian o pag-aari bilang bahagi ng kasal. Ito ay isang uri ng kontribusyon mula sa pamilya ng lalaki sa bagong pamilyang binubuo nila. Ang dowry ay maaaring maglaman ng pera, alahas, ari-arian, o iba pang mga bahay-kalakal na ipinagkaloob sa babae o sa kaniyang pamilya. Sa ilang kultura, ang dowry ay maaaring maging malaking bahagi ng kasal at maaaring magkaroon ng malalim na implikasyon sa lipunan at ekonomiya ng pamilyang nauugnay dito. Sa Pilipinas, lalaki ang nagbibigay ng dote pero sa ilang bansa, babae ang nagbibigay.

Depensa ng kaanak ng groom, nagsadya pa raw ang pamilya at mga kamag-anak nito mula sa Pamplona, Negros Oriental patungong Bairan, Naga upang idaos ang kasal.

Matapos daw ang kasal, hindi raw sumama ang bride sa kaniyang asawa dahil pinigilan daw ito ng kaniyang ina, sa takot daw na mag-isa na lamang siya.

Subalit iba naman ang paliwanag ng kampo ng bride, dahil ang bersyon naman sa kaniya, hindi raw siya hinintay ng kaniyang mister at iniwan siya sa reception, kahit na nag-eestima pa siya ng mga bisita.

Malala raw ang iyak ng misis dahil lumayas sa reception ang kaniyang mister nang hindi man lamang nagpaalam. Kaya naman daw nagalit din ang mga kamag-anak niya rito.

Ito raw ang dahilan kung bakit sumama ang loob ng bagong misis sa kaniyang mister.

Kaya ang tanong ngayon ng mga netizen, kung ngayon pa lamang daw ay hindi na magkasundo ang dalawa, paano pa kaya kapag tuluyan na silang nagsama?

Magkaayos pa kaya ang dalawa o tuluyan nang magsaulian ng kandila?