Inabisuhan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy na dumalo ng hearing para sagutin ang mga katanungan tungkol sa mga alegasyon sa kaniya.

Sa isang chance interview sa mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinabi ni PBBM na dapat dumalo si Quiboloy sa mga hearing sa Senado at Kamara para marinig ang panig niya.

"I would just advise him that kung meron naman siyang sasabihin, he has an opportunity in the hearings, both in the House and the Senate, to say his side of the story. Kaya kung sinasabi niya hindi totoo lahat 'yan, walang nangyaring ganyan, edi sabihin niya. E kapag ganito, anong mangyayari d’yan? Hindi siya sisipot?… Hay nako, mas lalaki ‘yong gulo," anang pangulo.

"Kung makakapunta siya, sagutin niya lahat ng tanong, edi tapos na. That's why my advice for him is just face the questioning in the House and in the Senate, marinig natin ang kaniyang side para malaman natin kung ano ba talagang nangyayari dito. We we’re trying to be fair here," dagdag pa niya.

Matatandaang naglabas ng subpoena ang Senado at Kamara laban sa pastor kaugnay ng mga umano’y pang-aabuso ng KOJC, at ng mga nilabag umano ng SMNI.

MAKI-BALITA: Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Hindi naman sumipot ang pastor sa naturang isinagawang pagdinig, dahilan kaya’t inisyuhan siya ng subpoena.

MAKI-BALITA: Matapos ‘di sumipot sa Senate probe: Quiboloy, inisyuhan ng subpoena