Tinawanan lamang ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang akusasyon sa kaniya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy na nakipagsabwatan umano siya sa United States (US) para “patayin” ang huli.

"Hahaha! Walang may gustong mag-assassinate sa kanya. Bakit siya i-assassinate? Why would anyone want him dead," anang pangulo nitong Miyerkules, Pebrero 28 sa isang ambush interview.

"Siguro, natatakot siya dahil sa mga pangyayari. But, I--- again, the best way to defuse that situation for him is to testify before the committees in the House and in the Senate," dagdag pa ni Marcos.

Matatandaang ipinahayag ni Quiboloy na nagtatago raw siya ngayon dahil nasa panganib ang kaniyang buhay.

Sa isang pahayag na inilabas ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa YouTube noong Pebrero 21, sinabi ng pastor na boses lang niya sa ngayon ang paraan niya upang maglabas ng pahayag kaugnay ng mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya dahil nagtatago umano siya para sa kaniyang kaligtasan.

Ayon sa kaniya, mula noong 2018 pa umano ay ramdam nilang hindi na sila ligtas sa Pilipinas dahil sini-surveillance daw sila ng Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI).

MAKI-BALITA: Quiboloy, inakusahan si PBBM na nakipagsabwatan sa US para patayin siya

Sa parehong panayam, inabisuhan ni Marcos si Quiboloy na dumalo ng hearing para sagutin ang mga katanungan tungkol sa mga alegasyon sa kaniya.

MAKI-BALITA: PBBM, inabisuhan Quiboloy na dumalo ng hearing: ‘Sagutin niya lahat ng tanong, edi tapos na’