Iginiit ni Vice President Sara Duterte na binura niya ang lumabas na pahayag sa kaniyang social media pages para sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong taon dahil wala raw talaga siyang balak na mag-isyu ng ganoong klase ng mensahe.

Sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 27, iginiit ni Duterte na hindi pa rin nagbabago ang kaniyang pagtingin hinggil sa EDSA anniversary mula sa naging pahayag niya noong 2017, kung saan hindi umano niya maintindihan kung bakit naging pamantayan ng depenisyon na kalayaan sa bansa ang EDSA Revolution.

“What I said in 2017 regarding the February 25 EDSA anniversary has never changed. My position remains the same today,” pahayag ni Duterte.

“I did not intend to issue a statement this year as I did not the previous year. Because of this, I removed the EDSA anniversary post from my social media page. I hope this will put the matter to rest,” dagdag pa niya.

Mensahe ni VP Sara tungkol sa EDSA anniversary, binura

Matatandaang noong Linggo, Pebrero 25, nang gunitain sa bansa ang anibersaryo ng EDSA Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kaugnay nito, isang opisyal na pahayag ang inilabas sa social media pages ni Duterte dakong Linggo ng gabi.

Sa naturang buradong pahayag, binigyang-pugay ng bise presidente ang mga taong nagkaisa sa kalsada ng EDSA noong 1986 at lumaban para sa “demokrasya” at “kalayaan.” Hinikayat din niya ang mga Pilipinong patuloy na isabuhay ang diwa ng EDSA.