Naglabas ng saloobin ang voice actor na si Jeff Utanes kaugnay sa isinusulong na panukalang batas na nagbabawal ng Filipino dubbing sa mga English program at film na ipinapalabas sa Pilipinas.

MAKI-BALITA: Pagbabawal sa Filipino dubbing ng English films, programs, isinusulong sa Kamara

Sa Facebook post ni Jeff kamakailan, sinabi niya na hindi raw dapat isisi sa industriya nila ang dahilan kung bakit mahina sa English ang ilan sa mga estudyante sa kasalukuyan sapagkat responsibilidad ito ng paaralan.

“Isinasalin po namin sa wika natin ang mga foreign film at series para lubos na maunawaan ito ng masang Filipino. Hindi po lahat, afford makapanood ng sine o ‘di kaya naman makapag-subscribe sa mga online streaming sites. Wala ring panahon ang ilan kaya nga malaking bagay ang makapanood sila ng mga pelikula sa mga local TV channels,” pahayag ni Jeff.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Hindi rin po lahat ng kapwa ko Filipino ay tapos sa pag-aaral para maunawaan sa wikang Ingles ang mga palabas na malalalim at mahirap ding intindihin. Trabaho po namin sa industriya na mailapit sa orihinal na konteksto at dialogue para mas lalo itong maunawaan ng mga manonood,” aniya.

Ipinaliwanag din ni Jeff na sa tao mismo nakadepende kung gugustuhin nitong matuto ng ibang wika lalo na sa panahong ito na maaaring magbasa nang magbasa upang malinang ang kakayahan sa wikang Ingles dahil sa bumabahang impormasyon.

“May iba nga na successful sa buhay kahit hindi tapos sa pag-aaral at hindi masyadong nakakaunawa ng wikang Ingles. May ilang bansa nga na nagda-dub din ng mga foreign films at series pero hindi naman naapektuhan ang sarili nilang wika at kultura. Hindi rin naman nila pinipilit ang ilang kababayan nila na matuto ng wikang Ingles dahil kahit sa mga prestihiyosong mga pageant, may mga nagha-hire pa rin ng interpreter,” lahad ng voice actor.

Dagdag pa niya: “Nananahimik po ang industriya namin at masaya po kaming maging bahagi ng kultura natin sa araw-araw. Meaning, kung ayaw n’yo po sa Tagalized, hindi po kayo ang market namin. Kaya nga may ibang option ang ilang online streaming apps kung ano ang prefer nilang lenggwahe sa panonood ng mga paborito nilang palabas.”

Sa huli, nakiusap si Jeff na isaalang-alang din sana ng mga mambabatas ang kabuhayan ng mga kagaya niyang kabilang sa industriyang nagbibigay ng mga boses sa mga foreign film at series. Ang higit sanang bigyang-pansin ay ang mga problemang kinakaharap ng bansa lalo na sa pagbibigay ng magandang edukasyon sa bawat estudyante.

Matatandaang si Jeff ang nasa likod ng Filipinong boses ni Son Goku sa anime na Dragon Balls. Naging voice actor din siya sa Yu-Gi-Oh at Sailor Moon.