Iginiit ni dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. na nahihirapan na umano sina Vice President Sara Duterte na “pumuwesto” ng saloobin matapos burahin ang naging pahayag ng huli para sa anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
“Nahihirapan na talaga sila pumuwesto ng saloobin. Unity pa rin ba?” pagkuwestiyon ni Baguilat nitong Martes, Pebrero 27.
Matatandaang noong Linggo, Pebrero 25, nang gunitain sa bansa ang anibersaryo ng EDSA Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Kaugnay nito, isang opisyal na pahayag ang inilabas sa social media pages ni Duterte dakong Linggo ng gabi, na binura rin pagkalipas umano ng ilang mga oras.
Base sa burado nang pahayag, binigyang-pugay ng bise presidente ang mga taong nagkaisa sa kalsada ng EDSA noong 1986 at lumaban para sa “demokrasya” at “kalayaan.” Hinikayat din niya ang mga Pilipinong patuloy na isabuhay ang diwa ng EDSA.
Sina Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ni dating Pangulong Marcos Sr., ang naging running-mates noong 2022 national elections.
Samantala, tumakbo si Baguilat bilang senador noong 2022 national elections, kung saan kasama siya sa slate nina dating Vice President Leni Robredo at dating Senador Kiko Pangilinan.