“Buong-pagpapakumbabang” humingi rin ng paumanhin si Senador Robin Padillakina Senate President Migz Zubiri at Senador Nancy Binay dahil sa kontrobersyal na “vitamin intravenous drip session” ng asawang si Mariel Rodriguez-Padilla sa kaniyang opisina sa Senado kamakailan.

Sa sulat na ipinadala kay Zubiri nitong Lunes, Pebrero 26, sinabi ni Padilla na labis umano niyang ikinabahala ang isyung kinabilangan ng kaniyang asawa dahil sa drip session nito noong Pebrero 19, 2024.

“Nais ko pong ipabatid ang aking sinserong paghingi ng paumanhin kung ito ay nagdulot ng kagambalaan sa liderato ng Senado, sa ating mga iginagalang na kasamahan, at sa lahat ng bumubuo ng institusyon,” mensahe niya kay Zubiri.

Sinabi naman ni Padilla kay Binay, chairperson ng Senate ethics and privileges committee, sa isang hiwalay na sulat ang paghingi niya ng paumanhin at hindi raw nila sinasadya ang “pagsasawalang-bahala sa dangal na sinisimbolo ng ating institusyon.”

Mariel, binatikos nang ‘mag-gluta drip session’ sa opisina ni Robin; Senador, nag-react

“Makakaasa po kayo sa aming palagiang pagtalima sa mga alituntunin ng Mataas na Kapulungan. Maraming salamat po sa inyong pag-unawa,” aniya.

Matatandaang binatikos kamakailan sa social media ang ginawa ni Mariel sa Senado dahil “very inappropriate” at “disrespectful” daw ito.

Kaugnay nito, inihayag kamakailan na iimbestigahan daw nila ang kontrobersiyal na “drip session” ni Mariel dahil bagama’t hindi siya miyembro ng Senado, may kaugnayan umano ito sa integridad at reputasyon ng kapulungan.

https://balita.net.ph/2024/02/24/gluta-drip-session-ni-mariel-paiimbestigahan-daw-ng-senado/

Samantala, habang sinusulat ito’y wala pa muling pahayag si Binay kung itutuloy ang naturang pag-imbestiga ng Senado sa “drip session” ni Mariel.

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/02/25/robin-sa-balitang-bubusisiin-drip-session-ni-mariel-nakakahiya-sa-taumbayan/