Ipinahayag ni dating Senador Kiko Pangilinan na umaasa siyang kakandidato si dating Vice President Leni Robredo para sa isang national position.

Matatandaang inihayag kamakailan ni dating Senador at Liberal Party Spokesperson Leila De Lima na kinukumbinsi pa nila si Robredo na tumakbo bilang senador at pangunahan ang kanilang partido sa susunod na eleksiyon.

Matapos nito, kinumpirma rin ng spokesperson na si Atty. Barry Gutierrez ni Robredo na bukas daw siya sa naturang posibilidad.

Ex-VP Leni, bukas daw sa posibilidad na tumakbo bilang senador sa 2025

Sa isa namang panayam ng programang “Sa Totoo Lang” ng One PH nitong Lunes, Pebrero 26, sinabi ni Pangilinan na tulad ng sinabi nina De Lima at Gutierrez, sa ngayon ay pinag-aaralan pa rin daw ni Robredo kung tatakbo ito sa pagkasenador.

“Pinag-aaralan din niya. Wala pang final decision. Ako, kung tatanungin, I hope she considers running for a national post,” ani Pangilinan.

“Although I think ang pagkaintindi ko ay ang concern niya at the moment is ‘yung local politics sa Naga. And ‘yung distrito sa Kongreso at ‘yung mayoralty race,” dagdag pa niya.

Sinabi rin naman ng dating senador na rerespetuhin nila kung ano man ang maging desisyon ni Robredo.

“Hintayin na lang natin kung ano ‘yung susunod na kabanata, ika nga,” saad ni Pangilinan.

Matatandaang running-mates sina Robredo at Pangilinan noong 2022 national elections, kung saan tumakbo bilang pangulo ang una habang bilang bise presidente naman ang huli.

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/02/27/kiko-di-pa-sigurado-kung-tatakbo-bilang-senador-sa-2025/