Matapos burahin ang lumabas na pahayag sa kaniyang social media pages, nilinaw ni Vice President Sara Duterte na hindi pa rin nagbabago ang kaniyang pananaw noong 2017 hinggil sa EDSA People Power I Revolution.

Matatandaang noong Linggo, Pebrero 25, nang gunitain sa bansa ang ika-38 anibersaryo ng EDSA Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kaugnay nito, isang opisyal na pahayag ang inilabas sa social media pages ni Duterte dakong Linggo ng gabi.

Sa naturang buradong pahayag, binigyang-pugay ng bise presidente ang mga taong nagkaisa sa kalsada ng EDSA noong 1986 at lumaban para sa “demokrasya” at “kalayaan.” Hinikayat din niya ang mga Pilipinong patuloy na isabuhay ang diwa ng EDSA.

Mensahe ni VP Sara tungkol sa EDSA anniversary, binura

Samantala, sa kaniyang pahayag nitong Martes, Pebrero 27, sinabi ni Duterte na binura niya ang lumabas na pahayag sa kaniyang social media pages para sa anibersaryo ng EDSA ngayong taon dahil wala raw talaga siyang balak na mag-isyu ng ganoong klase ng mensahe.

https://balita.net.ph/2024/02/27/vp-sara-binura-pahayag-para-sa-edsa-anniv-i-did-not-intend-to-issue-a-statement-this-year/

Bukod dito, iginiit din ng bise presidente na hindi pa rin umano nagbabago ang kaniyang posisyon hinggil sa EDSA anniversary at tulad pa rin daw ito ng naging pahayag niya noong 2017.

“What I said in 2017 regarding the February 25 EDSA anniversary has never changed. My position remains the same today,” pahayag ni Duterte.

Matatandaang noong 2017, sinabi ni Duterte, na noo’y alkalde pa lamang ng Davao City, na hindi umano niya maintindihan kung bakit naging pamantayan ng depinisyon ng kalayaan sa bansa ang EDSA Revolution.

“I find it hard to understand why this bloodless revolution has become the standard definition of freedom for our country and this standard is forced down our throats by a certain group of individuals who think they are better than everyone else,” naiulat na pahayag ni Duterte sa naturang taon.