Hindi na makikita sa opisyal na social media pages ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang naging pahayag tungkol sa ika-38 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Habang sinusulat ito’y wala pang opisyal na pahayag ang inilalabas ni Duterte o ng Office of the Vice President sa kanilang opisyal na social media pages para sa ipaliwanag ang pagkabura ng post.

Matatandaang noong Linggo, Pebrero 25, nang gunitain sa bansa ang anibersaryo ng EDSA Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kaugnay nito, isang opisyal na pahayag ang inilabas sa social media pages ni Duterte dakong Linggo ng gabi.

Malacañang, inilabas listahan ng holidays sa 2024; EDSA anniversary, 'di kasama?

Base sa burado na ngayong pahayag, binigyang-pugay ng bise presidente ang mga taong nagkaisa sa kalsada ng EDSA noong 1986 at lumaban para sa “demokrasya” at “kalayaan.”

“Their courage and determination paved the way for a better Philippines, and their sacrifices will never be forgotten,” ani Duterte sa pahayag.

“As we celebrate this momentous occasion, let us remember the lessons of EDSA - the power of unity, the strength of the Filipino spirit, and the importance of standing up for what is right,” dagdag niya.

Hinikayat din ng bise presidente ang mga Pilipinong patuloy na isabuhay ang diwa ng EDSA.

“Together, we can overcome any challenge and create a brighter tomorrow for the generations to come. Happy Edsa anniversary to all Filipinos, may we continue to uphold the spirit of EDSA in all that we do,” saad ni Duterte.

Sina Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ni dating Pangulong Marcos Sr., ang naging running-mates noong 2022 national elections.

Samantala, matatandaang hindi nakasama ang anibersaryo ng EDSA sa inilabas ng kasalukuyang administrasyon na listahan ng mga holiday para sa 2024.

Paliwanag naman ng Office of the President kamakailan, hindi umano nakasama ang anibersaryo ng EDSA sa special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25 sa araw ng Linggo.

https://balita.net.ph/2023/10/13/op-may-pahayag-sa-di-pagsama-sa-edsa-anniversary-sa-holidays-para-sa-2024/