Sumagot na si Senador Nancy Binay sa ipinadalang sulat sa kaniya ni Senador Robin Padilla bilang paghingi nito ng paumanhin kaugnay ng kontrobersyal na “vitamin intravenous drip session” ng asawang si Mariel Rodriguez-Padilla sa Senado kamakailan.

Matatandaang nitong Lunes, Pebrero 26, nang magpadala ng sulat si Padilla kay Binay, chairperson ng Senate ethics and privileges committee, maging kay Senate President Migz Zubiri para humingi ng tawad sa nangyaring drip session ni Mariel sa kaniyang opisina noong Pebrero 19, 2024.

Bilang tugon naman ni Binay sa kapwa-senador, sinabi nito sa isa ring sulat nitong Martes, Pebrero 27, na nauunawaan niya ang “alalahanin” ni Padilla tungkol sa nasabing kontrobersiya.

Robin, nag-sorry rin kina Zubiri, Binay dahil sa ‘drip session’ ni Mariel

“Batid ko po ang inyong pagsusumamo, at bilang kasama sa Mataas na Kapulungan, lubos ko pong nauunawaan ang inyong mga alalahanin patungkol sa mga naging kaganapan nitong nakalipas na mga araw,” mensahe ni Binay kay Padilla.

“Tungkulin natin na pangalagaan ang integridad ng Senado. Nawa’y maging aral sa ating lahat ang nangyaring insidente, at manatili tayong higit sa kapintasan bilang mga kinatawan at halal ng taumbayan,” dagdag pa niya.

Samantala, nauna nang sinabi ni Zubiri na tinatanggap niya ang paghingi ng paumanhin ni Padilla kaugnay ng isyu.

Matatandaang binatikos kamakailan sa social media ang ginawa ni Mariel sa Senado dahil “very inappropriate” at “disrespectful” daw ito.

https://balita.net.ph/2024/02/23/mariel-binatikos-nang-mag-gluta-drip-session-sa-opisina-ni-robin-senador-nag-react/