Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo na umaarangkada na ang Search for Miss Manila 2024.
Kaugnay nito, hinikayat ni Lacuna ang mga kuwalipikadong residente na lumahok sa naturang patimpalak, na pangangasiwaan ng Department of Tourism, Culture and the Arts (DTCAM) sa ilalim ng pamumuno ng direktor nito na si Charlie Dungo.
Ayon kay Lacuna, ang naturang pageant ay proyekto ng city government, na naghahanap ng isang Manilenya na kakatawan sa ‘values of empowerment’ at leadership upang maghatid ng mahalagang kontribusyon sa kanyang mga kapwa Manilenyo.
Matatandaang matapos na i-relaunch noong nakaraang taon, sinabi ni Lacuna na ang Miss Manila ay dapat na isang 'woman of worth', tapat sa kanyang sarili at kayang mahalin ang kanyang sarili bago mahalin ang iba.
Dapat din taglay raw nito ang tunay na katangian ng isang Manilenya at maging isang strong advocate ng mga karapatan ng mga kakabaihan, isang tunay na lider, ‘nurturer’ at change maker.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Dungo na ang mga maaaring lumahok sa patimpalak ay dapat na residente ng Maynila, na nagkaka-edad ng 18 hanggang 30-anyos, dalaga, may good moral character, maaaring estudyante o nagtatrabaho na.
Aniya, ang mga interesado aniyang lumahok sa patimpalak ay maaaring mag-aplay sa pamamagitan ng http://www.missmanila.ph.
Matatandaang nagsimula ang pageant noong 1998, sa panahon ni dating Mayor Alfredo Lim, ngunit nahinto noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Muli naman itong inilunsad noong nakaraang taon ng administrasyon ni Lacuna.
Ani Dungo, idaraos ang Miss Manila pageant night sa Hunyo 22, 2023 bilang bahagi ng mga aktibidad na nakahanay para sa pagdiriwang ng founding anniversary ng lungsod.
Pipili umano sila ng Top 100 mula sa matatanggap na online application, at malaunan ay pipili ng Top 50 sa face-to-face audition, kasama ang Miss Manila Executive Committee.
Mula sa naturang Top 50, aabot lamang 25 finalists ang makakasali sa pageant night.
Lima naman sa mga kandidato ang pipiliing makasali sa Top 5 at hihirangin bilang Miss Manila 2023; Miss Manila Tourism; Miss Manila Charity; First runner-up at Second runner-up.