Humingi ng tawad si Senador Robin Padilla sa mga opisyal ng Senado dahil sa nangyaring “drip session” ng asawang si TV personality Mariel Rodriguez-Padilla sa kaniyang opisina kamakailan.

Dalawang sulat ang ipinadala ni Padilla nitong Lunes, Pebrero 26, kung saan naka-address ang bawat isa sa mga ito kina Senate Medical Bureau chief Dr. Renato Sison at Senate Sgt-at-Arms Roberto Ancan.

Base sa sulat na ipinadala kay Ancan, sinabi ni Padilla na hindi raw niya naisip na ipawalang-bahala ang alituntunin ng Senado nang mangyari ang “drip session” ni Mariel sa kaniyang opisina noong Pebrero 19, 2024.

“Kailanman po ay hindi ko naisip na ipawalang-bahala ang mga umiiiral na alituntunin ukol sa seguridad ng Senado, lalo’t higit ang hindi pagbibigay-galang sa ating institusyon,” ani Padilla.

Mariel, binatikos nang ‘mag-gluta drip session’ sa opisina ni Robin; Senador, nag-react

Samantala, sinabi naman ng senador sa kaniyang sulat kay Sison na walang intensyon si Mariel na ipawalang-bahala ang patakaran ng Medical Bureau nang gawin ang naturang “drip session.”

“Nais ko pong bigyan ng diin na wala pong intensyon ang aking maybahay na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau,” saad ni Padilla.

“Makakaasa po kayo na hindi na mauulit ang ganitong uri ng pangyayari,” dagdag pa niya.

Matatandaang binatikos kamakailan sa social media ang ginawa ni Mariel sa Senado dahil “very inappropriate” at “disrespectful” daw ito.

Inihayag naman ni Senate ethics and privileges committee chair Senator Nancy Binay kamakailan na iimbestigahan daw nila ang kontrobersiyal na “drip session” ni Mariel dahil bagama’t hindi siya miyembro ng Senado, may kaugnayan umano ito sa integridad at reputasyon ng kapulungan.

https://balita.net.ph/2024/02/24/gluta-drip-session-ni-mariel-paiimbestigahan-daw-ng-senado/

Kaugnay nito, iginiit ni Padilla noong Sabado, Pebrero 24, na nakakahiya umano sa “pera ng taumbayan” kung bubusisiin pa ng Senado ang naging “drip session” ni Mariel dahil may mas mahahalaga pa raw na isyu ang dapat unahin at pagtuunan ng mga senador.

https://balita.net.ph/2024/02/25/robin-sa-balitang-bubusisiin-drip-session-ni-mariel-nakakahiya-sa-taumbayan/

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/02/25/drip-session-ni-mariel-sa-senado-hindi-raw-gluta-kundi-vitamin-c/