“BBM = Bigas Biglang Mahal?”
Sinagot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang nagtanong kung “Bigas Biglang Mahal” daw ba ang kahulugan ng “BBM.”
Sa kaniyang vlog na inilabas nitong Linggo, Pebrero 25, binasa ni Marcos ang mga liham na ipinadala raw sa kaniya mula sa Bahay Ugnayan sa Malacañang.
Isa sa mga ito ay ang sulat mula sa isang ina sa Laguna.
“I’m writing on behalf of my son because he told me: ‘Mommy, is it true that the meaning of BBM is Bigas Biglang Mahal?’ So I told him, okay this is the best to write the president and ask him about it,” medyo natatawang pagbasa ni Marcos sa sulat.
Ayon sa pangulo, natutuwa siyang sumulat ito para talakayin ang usapin tungkol sa pagmahal ng bigas sa bansa.
“Hindi natin maiiwasan na makita na talagang nagiging problema ang pagtaas ng presyo ng bigas dito sa Pilipinas,” ani Marcos.
“Pero kung titingnan po natin, kahit na ‘yung mga nage-export na mga bansa ay tumataas din ang presyo na halos katumbas lang ng pagtaas dito sa Pilipinas,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng pangulo ang mga top rice producer ng bansa na Vietnam at Thailand, kung saan mataas din umano ang presyo ng bigas dahil sa “external shocks” kagaya ng pagtaas ng presyo ng langis, na nakaaapekto raw sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nangako si Marcos na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para masiguro ang sapat na supply ng bigas sa merkado.
“Ginagawa natin lahat upang naman ang produksyon natin ay maging sapat na hindi na tayo nag-iimport, mababawasan ang mga inputs, kung tawagin para sa ating mga farmer at sana naman ay ma-stabilize manlang natin ‘yung presyo ng bigas,” saad ni Marcos.
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/02/25/pbbm-ibinahagi-kung-paano-maiiwasan-fake-news-sa-politika/