Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinasok daw niya ang mundo ng politika dahil nasasaktan siyang makitang naghihirap ang mga Pilipino.
Sa kaniyang latest vlog na inilabas nitong Linggo, Pebrero 25, binasa at sinagot ni Marcos ang mga liham na ipinadala raw sa kaniya mula sa Bahay Ugnayan, isa raw sa mga museo sa Malacañang.
Kasama sa mga binasa at sinagot ni Marcos ay ang sulat mula sa isang “Humanities student” na mahilig pag-aralan ang konsepto ng politika.
Mensahe ni Marcos sa estudyante, ang politika ay dapat para sa serbisyo sa mga tao, at hindi sa pansariling interes.
“Politics should be in the service of the people. Politics should not be in the service of one party; should not be in the service of one person, certainly. Namumulitika tayo dahil mayroon tayong gustong gawin,” ani Marcos.
Kaugnay nito, sinabi ng pangulo na tumakbo siya sa posisyon at pumasok sa politika para matulungan ang mga naghihirap.
“Dapat naman, ang dahilan kung bakit sila tatakbo ay nais nilang tumulong,” giit ni Marcos.
“Ako, ganiyan kaya ako tumakbo, kaya ako pumasok sa politika dahil nalulungkot ako sa mga nakikita kong pangyayari. Dahil masakit sa loob ko na makitang naghihirap ang mga Pilipino. At naisip ko, siguro naman may kaya akong gawin para makatulong.”
“Sa palagay ko, ‘yan ang tamang dahilan kung bakit ang isang tao ay papasok sa politika,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang vlog ay inihayag din ng pangulo ang kaniyang pagkatuwa na mahilig ang estudyante sa kasaysayan dahil, aniya, maraming matututunan ang isang tao sa nakaraan.
Bukod dito, ibinahagi ni Marcos ang turo daw sa kaniya ng kaniyang lola hinggil sa kung paano maiiwasan ang “fake news” sa politika.
https://balita.net.ph/2024/02/25/pbbm-ibinahagi-kung-paano-maiiwasan-fake-news-sa-politika/