Umapela ang aktres na si Angelica Jones sa ama ng kaniyang 11 taong gulang na anak para kilalanin nito ang bata.

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News kay Angelica nitong Linggo, Pebrero 25, ibinahagi niya ang kasalukuyang pinagdadaan ng kaniyang anak.

“Naiyak ako doon sa message ni Dennis [Padilla]. Dahil siya, gusto niyang kilalanin siya bilang tatay at apelyido ang gamitin. ‘Yong anak ko naman, ayaw namang kilalanin; ayaw ipagamit ‘yong apelyido ng tatay niya. ‘Di maka-graduate,” lahad ni Angelica.

“Nawala kasi birth certificate ng anak ko sa St. Luke’s panahon ng pandemic. Hindi na-file agad. So, ngayon need ng late registration. Pipirmahan lang ng tatay, hindi pinirmahan. So yesterday, nalaman ng anak ko. Nabasa ‘yong message ng conversations sa sinabi ng dad niya. Humahagulgol siya last night,” aniya.

Tsika at Intriga

Negosasyon sa renewal ng It's Showtime sa GMA, pinoproseso na!

Dagdag pa niya: “Nakakadurog ng puso kapag ‘yong anak mo na ‘yong umiiyak; kapag anak mo na ‘yong nasasaktan. Parang sasabihin mo na aakuin mo na lang lahat ng sakit, e. ‘Wag mo lang makitang umiyak ‘yong anak mo.”

Isa raw ang birth certificate sa requirement ng private school kung saan nag-aaral ang kaniyang anak kaya hindi ito maka-graduate. Balak pa mandin sana ng anak niya na mag-aral ng high school sa La Salle Greenhills. 

Bukod pa rito, nakaranas din daw ng pambubully ang bata dahil sa kawalan nito ng nasabing papel.

“Binully siya. Sabi sa kaniya: ‘O, lagi kang honor. Makaka-graduate ka ba wala ka namang birth certificate?’ So, ang sakit.” 

Kaya kung hindi raw madadaan sa maayos na usapan ang hinihingi niya para sa anak, mapipilitan siyang magdemanda. Wala naman daw siyang ibang hinihingi sa ama nito kundi ang kilalanin lamang ang bata bilang anak.

Ayon kay Angelica, 11 years ago inabandona ang anak niya ng sarili nitong ama. Pero paglilinaw ni Angelica, itinuring namang anak ang bata ng lolo at lola sa father side nito.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag, reaksiyon, o tugon ang tinutukoy ni Angelica na ama ng kaniyang anak kaugnay sa nasabing isyu.