Patay sa sunog ang tatlong magkakapatid na pawang senior citizen, matapos na ma-trap sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Taytay, Rizal nitong Linggo ng gabi.

Sa mopping operations na natagpuan ng mga bumbero ang bangkay ng mga biktimang nakilalang sina Gloria Valera de Silva, may-ari ng tahanan; at kanyang mga kapatid na sina Celerina Valera at Elvira Valera.

Sa inisyal na ulat ng Taytay Municipal Police Station, lumilitaw na akong alas-9:02 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa kusina ng bahay ng mga biktima na matatagpuan sa Kilometer 36, sa Brgy. Dolores.

Sa panayam sa telebisyon sa hipag ng mga biktima na si Lorna Valera, nabatid na nakalabas na ng bahay ang dalawa sa mga biktima ngunit nakita ng mga ito na hindi pa nailalabas ang kapatid nila na isang lumpo.

Tinawag na lutang, lugaw, madumb: Leni 'di minura at nagbantang ipapatay si Digong

Dahil dito, bumalik umano sa loob ng bahay ang magkapatid upang iligtas sana ang kanilang kapatid ngunit hindi na rin makalabas pa mula sa nasusunog na tahanan.

Inabot ng halos isang oras ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-9:47 ng gabi.

Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog habang tinatayang hindi lalampas sa P350,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.