Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Pebrero 26, na dalawang weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa bansa.
Sa Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na nakaaapekto ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan sa Luzon habang ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, naman ang nakaaapekto sa Visayas at Mindanao.
Pagdating sa magiging lagay ng panahon sa susunod ng 24 oras, iniulat ng PAGASA na posibleng makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon dahil sa malamig na hanging amihan.
Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi Luzon.
Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o sa localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: