Patay ang dalawang estudyante nang malunod habang nagsu-swimming sa magkahiwalay na insidente sa Rizal, nitong Sabado.

Batay sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) nitong Linggo, nakilala ang mga biktima na sina Reyna Daplas, 10, Grade 2 student, taga-Rodriguez, Rizal; at Edgardo Nuñez, 17, Grade 10 student, residente ng Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng San Mateo Municipal Police Station na dakong alas-11:00 ng umaga nang unang malunod si Nuñez sa Malaegno River, sa Brgy. Silangan, San Mateo.

Ayon sa kanyang kapatid, nagkayayaan lamang umano ang biktima at kanyang mga kaibigan na maligo sa naturang ilog ngunit sinawimpalad na matangay ng malakas na agos ng ilog ang biktima hanggang sa tuluyang malunod.

Tinawag na lutang, lugaw, madumb: Leni 'di minura at nagbantang ipapatay si Digong

Naisugod pa ito sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City ngunit dead on arrival na ito.

Samantala, sa ulat naman ng Rodriguez Municipal Police Station nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon nang malunod ang biktimang si Daplas sa Spillway ng Brgy. San Rafael, sa Rodriguez.

Kasalukuyan umanong naliligo ang pamilya ng biktima sa lugar nang mapansin ng ina ng biktima na nawawala na ang anak.

Kaagad umano nilang hinanap ang bata ngunit patay na ito nang kanilang matagpuan.