Iginiit ni Senador Robin Padilla na nakakahiya umano sa “pera ng taumbayan” kung bubusisiin pa ng Senado ang naging “drip session” ng asawang si TV personality Mariel Rodriguez-Padilla sa kaniyang opisina, dahil may mas mahahalaga pa raw na isyu ang dapat unahin at pagtuunan ng mga senador.

Sinabi ito ni Padilla matapos ihayag ni Senate ethics and privileges committee chair Senator Nancy Binay kamakailan na iimbestigahan daw nila ang kontrobersiyal na “drip session” ni Mariel dahil bagama’t hindi siya miyembro ng Senado, may kaugnayan umano ito sa integridad at reputasyon ng kapulungan.

Sa isa namang panayam ng DWIZ nitong Sabado, Pebrero 24, sinabi ni Padilla na nakay Binay raw ang desisyon kung nais niyang busisiin ang ginawa ng kaniyang asawa.

Gluta drip session ni Mariel, paiimbestigahan daw ng senado

“Nasa kaniya po iyan dahil bilang siya ay opisyal ng Senado. Pero mas marami pong dapat busisiin doon sa Senado, hindi ‘yung ganitong ano lang,” giit ni Padilla.

“Nakakahiya naman sa taumbayan kung ‘yung pera nila ang gagamitin natin sa ganito,” dagdag pa niya.

Nang tanungin naman kung nakausap na niya si Binay kaugnay ng isyu, sinabi ni Padilla na nagte-text naman daw siya sa kapwa senador.

“Nagte-text po ako sa kaniya at pinapaliwanag po natin na ‘nakakatawa naman ‘yan’,” natatawang aniya.

Matatandaang binatikos kamakailan sa social media ang ginawa ni Mariel na “glutathione drip session” sa Senado dahil “very inappropriate” at “disrespectful” daw ito.

https://balita.net.ph/2024/02/23/mariel-binatikos-nang-mag-gluta-drip-session-sa-opisina-ni-robin-senador-nag-react/

Samantala, nilinaw ng TV personality na hindi umano glutathione ang laman ng drip session niya sa tanggapan ng kaniyang mister kundi vitamin C daw ito.

https://balita.net.ph/2024/02/25/drip-session-ni-mariel-sa-senado-hindi-raw-gluta-kundi-vitamin-c/