Ipinahayag ni Senador Robin Padilla na dapat umanong dalhin sa korte ang mga alegasyon laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy matapos magpadala ang Senado ng subpoena laban dito.
“Dapat siguro dalhin ito sa korte kasi syempre po tinitingnan natin ang parehong karapatan. May karapatan ang nag-aakusa at inaakusahan. ‘Yung ganito po kasing usapin, ang pinag-uusapan dito law and order na," ani Padilla sa isang panayam sa DWIZ nitong Sabado Pebrero 24.
Ayon pa sa senador, dapat daw isaalang-alang ang kapayapaan ng bansa sa pagdinig sa naturang isyu.
"Sa aking opinyon kung mayroon talagang kaso, dalhin sa korte, kasi kung ipagpipilitan po ng Senado, syempre po malaking gulo ito. Sinabi na po ni Pastor na hindi siya pupunta eh. So palalakihin ba natin ito? Ang gusto ni Pastor Quiboloy dalhin na ito sa korte. ‘Yun naman po siguro ang dapat nating gawin," aniya.
Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na kung mapapakiusapan daw niya si Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, na tapusin na ang pagdinig hinggil kay Quiboloy at irekomenda na lamang daw na kasuhan ang pastor para ang “judicial” na raw ang bahala rito.
Matatandaang ipinahayag ni Hontiveros kamakailan na lumabas na ang subpoena laban kay Quiboloy.
Kamakailan lamang, ilang mga indibidwal ang humarap sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.
Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.