Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Pebrero 25.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posibleng makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon dahil sa malamig na hanging amihan.

Amihan season, inaasahang matatapos sa Marso – PAGASA

Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o sa localized thunderstorms.

Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: