Sundalo, sugatan: NPA member, patay sa sagupaan sa Cagayan
Isang miyembro ng New People's Army ang napatay matapos makasagupa ng grupo nito ang tropa ng pamahalaan sa Gonzaga, Cagayan nitong Biyernes.
Hindi pa makuha ng militar ang pagkakakilanlan ng nasawing miyembro ng Cagayan Valley Regional Committee na pinamumunuan ni Edgar Arbitrario na isang NPA leader na naka-base sa Mindanao.
Sa ulat ng militar, natiyempuhan ng mga tauhan ng Philippine Army (PA)-502nd Infantry Brigade ang grupo ng mga rebelde sa Sitio Laoc, Barangay Pateng, Gonzaga, Cagayan kaya't nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng isa sa kaanib ng kilusan.
Nasugatan naman ang isang sundalo sa naturang operasyon, ayon sa report.
Narekober sa sagupaan ang isang M16 Armalite rifle, subersibong dokumento at personal equipment ng mga rebelde.
Kaugnay nito, nagkaroon ng isa pang sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo sa Brgy. Naguilian, Sallapadan, Abra nitong Biyernes.
Gayunman, walang naiulat na nasawi sa panig ng militar at ng mga rebelde.