Nangunguna pa rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang senatorial bet sa 2025 elections, ayon sa isinagawa umanong survey ng data research firm na Tangere.

Base sa resulta ng survey ng Tangere na inilabas nitong Biyernes, Pebrero 23, nasa 58% daw ang botong nakuha ni Duterte, kaya’t nananatili siyang top senatorial bet kahit bumaba ang kaniyang puntos sa 2% kung ikukumpara sa survey nila noong nakaraang buwan.

Pumangalawa naman daw sa survey si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na may 55% na boto, habang pumangatlo si dating Senador Vicente “Tito” Sotto na mayroong 47% voter preference.

Sumunod naman sina Senador Bong Go (46%), dating Manila Mayor Isko Moreno (43%), dating Senador Manny Pacquiao (42%), Senador Pia Cayetano (41%), Senador Bato dela Rosa (41%), at Senador Imee Marcos (39%).

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kasama rin daw sa top 12 senatorial bets sina Doc. Willie Ong (38%), Senador Francis Tolentino (37%), at broadcaster Ben Tulfo (36%).

Malapit naman daw sa Top 12 para sa 2025 senatorial elections sina Senador Lito Lapid (35%), Senador Bong Revilla Jr. (32%), Senador Panfilo Lacson (32%), dating Vice President Leni Robredo (30%), at Willie Revillame (29%).

Isinagawa umano ang naturang survey mula Pebrero 7 hanggang 10, 2024 sa pamamagitan ng mobile-based respondent application na may sample size na 2,400 participants.