Sabi nga, bago ka magalit sa isang tao o hayop, alamin mo muna ang puno't dulo bago ka makagawa ng mga bagay na pagsisisihan mo sa huli.
Sa ulat ng GMA News Online, isang aso sa Henan Province sa China na nagngangalang "Heibao" ang pinagalitan ng kaniyang fur parent matapos nitong ngatngatin hanggang sa maputol ang kable ng charger ng kaniyang e-bike na nakaparada sa garahe ng kaniyang bahay.
Ngunit sa pagtataka ng amo ni Heibao, napansin niyang sunog ang ilang bahagi nito.
Nang panoorin niya ang CCTV sa garahe, napag-alaman niyang kaya pala nginatngat ng aso ang kable ay dahil sumiklab ang apoy sa charger ng sasakyan, dulot marahil ng overheat habang kinakargahan ito ng enerhiya.
Sa una, tinangka ng aso na hugutin ang pagkakasaksak ng charger mula sa extension wire subalit bigo niya itong nagawa.
Sa pangalawang pagkakataon ay sinunggaban ng aso ang wire hanggang sa mahila at matanggal ito sa mismong adapter ng charger na nagsiklab.
Kaya naman, manghang-mangha ang amo ni Heibao nang mapanood ang CCTV dahil ang inakala niyang pagsira ng alaga sa charger ng e-bike ay may malalim palang dahilan!
Itinuturing niyang bayani si Heibao dahil kung hindi raw sa ginawa nito, baka nagliyab na rin ang telang nakasampay sa kaniyang e-bike, na malapit naman sa nasusunog na charger, at maaaring pagmulan ng sunog sa mismong bahay.
Ipinagpasalamat naman ng mga netizen na hindi sinaktan ng amo si Heibao noong hindi pa niya napapanood ang CCTV, o kaya naman, ay hindi nakuryente ang aso dahil sa pagkagat at paghila sa kable.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
"Wow! Hero dog talaga siya. Very smart!"
"Wow galing ni Heibao the super hero!"
"Nakakatuwa, ang talino ng aso!"
"Hero dog indeed!"
"It breaks my heart. Sana puwede siya yakapin."
Kaya nga sinasabi, be kind to animals dahil hindi natin alam kung hanggang saan nila tayo mamahalin basta't alagaan din natin sila nang maayos.
---